Bayaning naka-Amerikana
Parazzi News Service
September 5, 2008
Kung biyahero ka at hindi mo alintana ang pagkahilong dulot ng pagmamasid sa tanawing nadadaanan mo, malamang napansin mo na rin na sa bawat bayan, rebulto ni Rizal na naka-coat ang karaniwan mong makikita.
Pero ni minsan ba, naitanong n’yo sa sarili n’yo kung bakit si Jose Rizal ang ating bayani? Kasi, kung titingnan, ang karaniwang bayani ng ibang bansa, eh, mga lider ng rebolusyon o iyong may mga aktibong partisipasyon sa rebolusyon - parang si Washington sa US, si Sun Yat Sen at Mao Tse Tung sa Tsina at si Ho Chi Minh sa Vietnam ang ilan, na ibang-iba naman kay Rizal na hindi talaga pabor sa rebolusyon o pagdanak ng dugo.
At ‘eto pa, si Gov. William Howard Taft, ang kauna-unahang Civil Governor nung 1901, ang nag-suggest sa Philippine Commission na magkaroon ng pambansang bayan. At dahil masunurin ang mga elitistang nasa pwesto, nagpulong ang mga ito para pumili ng pambansang bayani.
Katunggali pa nga ni Rizal para sa pretihiyosong pwesto sina Emilio Aguinaldo, Andres Bonifacio, at Apolinario Mabini. Pero sabi ng mga namimili, masyado raw radikal si Bonifacio, samantalang si Aguinaldo, masyadong militante at si Mabini, parang walang kakaiba. Samantalang si Rizal, may dating ng kamartiran dahil pinatay siya ng mga dayuhan sa Bagumbayan. Kahit hindi niya sinupurtahan ang rebolusyon, all-around naman ang kanyang katalinuhan.
Pero ang kritisismo ng mga kontra-Rizal, isa siyang American-sponsored hero dahil sa panahong nagsisimula tayong sakupin ng mga Amerikano, hindi dapat tingalain ng mga Pilipino ang isang bayaning namuno ng pag-aaklas na maaring tularan at magdulot pa ng problema sa kanilang pamumuno. Sa mga panahong ‘yun, pinakahuli nilang kailangan ay isang bayaning larawan ng paglaban sa pananakop ng dayuhan.
O ‘di ba? Bakit mo nga naman tatangkilikin ang isang bayaning may hawak ng baril o ng tabak? Doon ka na sa naka-Amerikana, sosyal pa!