Page Title
Kalihim, pinanindigan ang pagka-suplado
Parazzi News Service
September 5, 2008

 

Hay, hindi naman siya kaguwapuhan, pero kung umasta, pakiramdam niya ‘ata, siya na ang pinakagwapong lalaki sa buong kalawakan at hindi umaabot ang ibang tao sa kanyang kalingkingan.


Kasi ba naman, isang opisyal ng Palasyo ang nagsuplado sa isang dalagang walang ibang hangarin kundi kapanayamin ang naturang kalihim kaugnay ng isyung sangkot ang kanyang departamento.


Maayos namang nakiharap ang naturang dalaga, na siguro kahit ayaw niya sa maangas na dating nakakapanayamin niya, wala siyang magawa dahil bahagi ito ng kanyang trabaho.
Ang nangyari kasi, ayon sa ating mga saksing miron, nakipagkamay ang dalaga pero parang bulag na kahit yata hanging dulot ng pag-angat ng kamay ng dalaga ay hindi niya pinansin. Ang matindi pa nito, hindi man lang nito tiningnan ang nakikipagkamay sa kanya at para bang bigla-bigla, nagkaroon ng stars sa kisame o sa mga dingding ng kanyang opisina at mas pinili niya itong tingnan kesa abutin ang kamay ng nagpapakabait at nagpapakamagalang na babaeng gustong kapanayamin siya.


Bagama’t hindi naman garapalang tinalikuran ng kalihim ang babae, sinagot rin naman nito ang mga tanong ng nag-iinterview sa kanya. ‘Yun nga lang, halatado mo na walang kwenta ang kanyang mga sagot na para bang basta lang masabi na sumagot naman siya sa mga tanong.


Nagmukha lang tuloy tanga ang babae pero dahil nga respeto sa kalihim, tinanggap na lang nito ang pambabastos na ginawa sa kanya.


Pero ang hindi alam ng opisyal, maraming mga mata ng miron ang nakasaksi sa ginawa niyang pambabastos. Kaya ang siste, itsinika ito sa iba na hindi naman pinalampas. ‘Yan tuloy Mr. Kalihim, ayusin n’yo kasi kung ayaw n’yong malagay dito sa Tago. Hindi naman masamang tumanggi sa panayam, pero tumanggi kayo ng maayos at ‘wag mambabastos. Sige ka, konti na lang, wala ka ng pinagkaiba kay Hitler….

 

previous article