PDA scholars, determinadong abutin ang pangarap!
Written by Eddie Littlefield
September 5, 2008
HINDI MAN nakapasok sa Top 6 ng Pinoy Dream Academy Season 2 sina Bunny, Inaki, Sen at Honorary Scholar na si Poy, determinado silang tuparin ang kani-kanilang pangarap na maging sikat na mang-aawit. Naging daan ang PDA para silang apat ay magkapangalan at makilala sa larangan ng musika. “Marami pa akong gustong gawin, pangarap na gustong marating – dream kong maging model, maging artista at makilala as a singer,” wika ni Bunny na katatanggal lang ng cyst sa kanyang lalamunan at ngayon nga sumasailalim siya sa theraphy.
Naging antipatiko naman ang dating ni Inaki sa mata ng viewers dahil sa pagiging arogante nito. Pamangkin pala siya ni Juan Miguel Salvador pero hindi niya ito Ipinagmaingay o Ipinagyabang sa kapwa niya scholars. “I’m sorry talaga, I admit may mga bagay akong nagawa na hindi maganda sa loob ng academy. I hope you will give me a chance to know me better,” pakiusap ni Inaki.
Cancer survivor si Zen, pero hindi naging hadlang ang kanyang karamdaman para abutin ang kanyang pangarap na maging mang-aawit. Second attempt na pala ng binata sa PDA – suwerteng nakapasok siya sa academy. Binansagan ni Direk Jose Javier Reyes si Zen ng “The Saint” dahil sa likas nitong kabaitan. Marami nga ang nanghihinayang sa hindi niya pagpasok sa Top 6. “Medyo na-depress ako but I believe this will be the beginning of my singing career. Kailangan may focus, determination and passion to your craft. I know someday I will be able to achieve my dreams,” puno ng pangarap na sabi ni Zen.
Sinong mag-aakala makapapasok pa si Poy sa PDA, isa siya sa apat na wildcards na hindi nakuha dahil mahina ang kanyang text votes. By surprise, naging Honorary Scholar siya sa Academy. Ang mission, makuha ang title na “Star Scholar for 3 times. Bawat Star Scholar, may katumbas na premyong P 50,000 at kung sakaling nagtagumpay siya – pipili siya kung lalabas na dala ang P 150,000 o maging isang regular Scholar na maaring maging ikalawang “Grand Star Dreamer.” Sa totoo lang, naalerto ang mga Scholars nang malaman nilang si Poy ang magiging katunggali nila sa Academy. Nakapasok si Poy sa Top 3 sa loob ng apat na linggo.
Para kay Poy, sino ang pinakamahigpit niyang kalaban sa PDA? “Noong tanungin ako sa counselling room sabi ko, si Laarni lang, kasi vocally same kaming dalawa. Nakikita ko ‘yung sarili ko kay Laarni . As time goes by, na-realize ko sina Laarni at Bugoy – sila talaga! Combination ‘yung dalawa, reason – Laarni can hit high note, Bugoy naman once na high note kaya niyang dayain thru kulot. Ang ganda-ganda ng RNB niya, matatalo ka niya talaga dahil doon. Ang stage presence niya ang ganda rin.”
Sino sa tingin ni Poy ang magiging Grand Winner sa PDA Season 2? “Depende kasi ‘yun sa choice of song kung maganda ang kanta then ma-hit nang maganda. Basta sina Laarni at Bugoy vocally maganda. Si Laarni magaling talaga siya, kasi vocally sobrang maganda kahit gawin mong soft, kumukulot – okey pa rin. Si Bugoy naman kapag kumakanta, ‘yung mellow song niya nagbe-break. Sabi nga ni Direk Joey, “Bugoy, huwag mong lagyan ng kulot, nahihirapan siya to that song. Nagpa-panic siya at the end nilalagyan pa rin niya ng kulot. For me, its Laarni ang Grand Winner – sila lang naman ni Bugoy ang naglalaban.”
Sa family ninyo, lahi ba kayo ng matataba? “Dibdiban na po ang gagawin kong pagpapayat – magugulat na lang po kayo! Noong ipinanganak po ako para akong daga, payat kulang sa buwan – 7 months. Gusto po kasi ng real mom ko, ipalaglag ako, kaso po malakas daw ang kapit ng bata kaya ipinanganak akong kulang sa buwan. May istorya po kasi, may lover kasi ‘yung mother ko kaya gusto akong ipalaglag,” na-shock naman kami sa tinuran ni Poy.
“Adopted lang po ako, ‘yung parents ko ngayon, minahal po talaga nila akong parang tunay na anak. Ikinuwento nila sa akin noong 7 years old palang ako, sabi daw ng real mother ko – sinong may gusto ng bata at ipinamimigay ako. Kinuha nila ako, hindi ako tinitignan ng Mama ko habang binibitbit niya ako pauwi ng bahay. Para nga daw akong daga sa kaliitan. Palagi niyang sinasabi sa akin, “Bigay ka ni Lord sa amin, ‘yan ang madalas niyang sinasabi sa akin tapos iiyak na siya. That time hindi ko pa maintindihan dahil 7 yrs. old pa lang ako. Masuwerte po ako’t nagkaroon ng magulang na tulad nila,” pagbabalik-tanaw ni Poy sa nakaraan.
Wala ka bang plano na makilala ang tunay mo mga magulang? “Hindi ko na kailangang malaman pa kung sino ang tunay kong magulang. Pero parang something is missing sa pagkatao ko – ayaw ko nang malaman pa. Happy naman ako sa pamilyang nakagisnan ko na so, bakit pa?”Aniya.
PHOTO: POY OF PDA