JEX-FILES (Unsolved Mysteries): Ang pagkawala ni Goodtime Joe (Unang Bahagi)
Tinipon ni Jex Caraballa
September 5, 2008
Akay-akay ang isang showgirl mula sa isang nightclub sa 45th Street New York, pumara ng isang taksi si Judge Joseph Crater. Hinalikan niya ang kasamang babae at nagpaalam na uuwi na daw siya. Pero hindi pala sa bahay ang tuloy ng tinaguriang Goodtime Joe noong 1930s. Makalipas ang ilang sandali, nakita siyang bumibili ng isang theatre ticket para sa isang palabas sa Broadway, ang Dancing Partners.
Simula noong araw na iyon, Agosto 6, 1930, hindi na muling nakita pa si Judge Joseph Crater. At dahil sa sobrang misteryoso at napaka-politically scandalous ng pangyayari, umaasa pa rin ang New York Police Department na makikita pa rin ang nawawalang hurado. Officially-listed pa rin siya bilang missing person pero kung sabagay, 119 taong-gulang na si Crater ngayon.
Isang butihing ama si Judge Crater – at isa ding kilalang babaero. Kahit na maprinsipyo siyang tao, napabilang siya sa lupon ng mga may pinakatiwaling administrasyon sa kasaysayan ng New York. Naging professor of law siya sa New York University pero tulad ng ibang tao, nais niyang yumaman. At dahil sa ambisyong ito, pinasok niya ang magulong mundo ng pulitika. Noong summer ng 1929, tumayo siya bilang receiver ng paluging Libby Hotel at ibinenta ito sa isang finance company ng $75,000. Pagkatapos ng anim na linggo, ipinagbili ito sa New York City para idemolish at gamitin sa road widening scheme ng siyudad. Ang halaga, tumataginting na $2,800,000. Marami sa administrasyon ang nakinabang sa panukalang ito, kabilang na si Crater.
Mula noon, namuhay siya na para bang isang milyonaryo. Mas gumanda pa ang kapalaran niya nang naupo bilang gobernador ng New York State si Franklin D. Roosevelt at naluklok siya sa puwesto bilang Chief Justice ng Supreme Court sa naturang siyudad. Napagtanto ni Crater na nagtagumpay na siya sa buhay, mayaman na siya at makapangyarihan. Ang hindi niya alam, guguho ang kanyang mundo noong gabi ng Agosto 2.
(Itutuloy)