Page Title
Trabaho lang, walang posasan
E.S. Capo
September 5, 2008



More photos after the article.


Pinaninindigan ni Philippine National Police (PNP) Chief Director Avelino Razon at Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Ronaldo Puno na trabaho lang ang ginawa nilang paghuli sa ilang kasapi ng media sa kasagsagan ng Manila Peninsula siege na pinamunuan nina Sen. Antonio Trillanes III at Army Brig. Gen. Danilo Lim nung Nobyembre nang nakaraang taon.


Nitong nakaraang Lunes, naglabas ang Commission on Human Rights (CHR) ng pahayag na maaaring kasuhan ang mga opisyal ng pulisya dahil sa ilegal na pag-aresto sa mga mamamahayag at paglabag ito sa kanilang constitutional rights na mag-ulat ng mga pangyayaring may interes ang publiko.


Ayon naman kay Razon, naayon sa batas ang kanilang hakbang lalo pa at pinagsabihan na ang mga kasapi ng media na nasa lugar na magsasagawa sila ng pag-atake sa mga rebelde. Nang may ilang hindi sumunod sa naturang utos, napilitan silang hulihin at iposas ang mga ito para raw matiyak ang kanilang kaligtasan at para rin masigurong wala sa mga ito ang kasangkot o kakuntsaba ng mga rebelde.


Pero ang buwelta ng media, bakit naman may posasan pang naganap at dinala pa sila sa Camp Bagong Diwa sa Taguig para daw sa 'processing? Hindi raw ba paglabag na ito sa karapatan nilang malayang magpahayag at mamahayag? Ang sabi naman ng korte, ginawa lang ng pulis ang trabaho nila lalo pa at nakasasagabal sa kanilang operasyon ang mga matitigas ang ulong kasapi ng media.


O siya, siya.... Pareho nang ginagawa ang inyong trabaho. Pero 'wag magkakapikunan ha...ang mahalaga, hindi nagtagumpay ang planong destabilisasyon ng grupo ng animo’y adbenturistang si Trillanes bago pa ito nagkaroon ng negatibong epekto sa ating ekonomiya.

 

Photos from Parazzi Wires


previous article