MARTHA MALDITA (part 12)
ni Sandi Lirio
September 5, 2008
Tuloy-tuloy ang pagpasok ng susi ni Karen sa butas ng doorknob, ang pagpihit nito sa knob, at ang pagtulak nito sa pintuan. Hindi na nagawa pa ni Marthang makaalis sa pagkakakandong kay Mark. Halos magkasabay na napatingin sina Martha at Mark sa gulat na mukha ni Karen.
Napadako ang kamay ni Karen sa kanyang bibig. Pakiramdam n’ya’y naduduwal s’ya. Nagmamadali s’yang pumunta sa banyo. Lumuhod s’ya sa harap ng kubeta, niyakap n’ya ito at sumuka sa bunganga nito. Nagmamadali namang nag-ayos ng mga damit sina Martha at Mark. Sa paglabas ni Karen, halata ang bakas ng luha sa mga pisngi nito.
“Ang baboy n’yo,” tanging nasabi ni Karen.
“Karen, magpapaliwanag ako,” sabi naman ni Martha.
Nagkulong sa kwarto si Karen. Kinatok nila ito ngunit, “Mga hayop!” lamang ang paulit-ulit na sinisigaw ni Karen sa kanila.
Patuloy pa rin sa pangangatok ang dalawa nu’ng dumating naman ang magjowang baklang Moi at Ali. “Ano’ng meron? Ba’t me drama?” ang sabi ng mestiso at saksakan sa pagka-cute na si Moi. “Ba’t ‘di kami join sa drama?” pagbibiro naman ng morenong mukhang Adonis na si Ali.
Nu’ng naging maliwanag na kina Martha at Mark na hindi sila pagbubuksan ng pintuan ni Karen, sumama na lamang sila kina Moi at Ali sa sala. “Splook n’yo na,” utos ni Moi. “Ano ba ang happening?”
Huminga muna ng malalim si Martha. “Nahuli kami ni Karen.”
Sabay na nanlaki ang mga mata ng dalawang bakla. Sabay din halos silang nakabawi mula sa matinding pagkagulat. Sabay na rin silang humalakhak.
“Mabuti naman,” sabi ni Ali. “Sa wakas Mark, hindi ka na matigas na hose na ‘di magawang makapagdilig sa tigang na talahiban.”
“Congratulations, Mark,” sabi naman ni Moi. “Ngayong 19 years old ka na, sa wakas naman, ‘di ka na matimtimang birhen. Barako ka na!”
“So nagdadrama pala ngayon ang santa-santitang si Karen,” hirit muli ni Ali. “Hoy Karen! Iniiwan talaga ng boyfriend ang mga babaeng pinaglihi kay Maria Clara!”
Dahil sa naging reaksyon ng dalawang bakla, nagpasya agad si Mark. Inakyat n’yang muli sa kwarto si Karen. “Karen,” sabi n’ya habang nakaharap sa nakapinid na pintuan. “Bahala ka kung ayaw mo akong kausapin. Hindi na ako masaya sa ‘yo. May mga pangangailangan ako. Lalake lang ako.”
Bumalibag ang isang silya sa pintuan mula sa loob ng kwarto. “Animal ka! Tarantado!” narinig ni Mark na sigaw ni Karen.
Pinanindigan na nga lamang nina Martha at Mark ang naganap sa kanila. Kahit pa’t ‘di na bumalik sa boarding house si Karen, hindi natinag ang kanilang relasyon ‘pagkat habang nagmumuryot si Karen sa bahay nila’t ilang ulit nang nagtangkang magpakamatay, tuloy-tuloy naman ang pag-ariba nina Martha at Mark patungong kalangitan ng kasarapan.
Gusto sanang palayasin si Martha sa boarding house ng noo’y freshman pa lamang na kapatid ni Karen na si Karla. Inaway-away n’ya si Martha at kinonsensya. Sina Ali at Moi ay wala namang pakialam sa pag-aaway nina Martha at Karla. Si Mang Allan ang biglang nakialam.
”Para sa reaksyon/suhestyon: email lamang sa sandilirio@yahoo.com o itext sa 09298149103