Page Title
Minsan may isang anak, minsan may isang pag-ibig (part 3)
Parazzi News Service
September 5, 2008

Kapag binabalikan ko ang mga pangyayari, isa sigurong dahilan kung bakit umabot sa ganito ang lahat ay ang katotohanang kahit kailan hindi ako trinato ni Tita Aki na parang bata. Sa tingin niya kasi, para maging malakas ang isang bata, tratuhin mo siya na parang matanda para malaman niya kaagad ang kanyang responsibilidad. Kaya naman kung nag-uusap kami, hindi na talaga malinaw kung saan ang boundary ng pagiging tiyahin niya at ng pagiging pinsan ko. Minsan, para lang kaming magpinsang pareho ng edad, at aaminin ko, may mga pagkakataong hindi ko siya tinitingnan bilang pinsan, kundi bilang parang kaedad lang. Minsan nga, naisipan ko siyang tawaging Aki at hindi naman siya nagreklamo. Natawa lang siya.


Pero hindi yata sapat ang lakas na natutunan ko para malampasan ang pinagdaraanan ko ngayon.


Umalis si Aki patungong Saipan. Sa murang edad, sa aking balikat naiwan ang responsibilidad na alagaan si Mimoi at alagaan ang aming mga sarili. Takot ako nung una, pero dahil lagi niyang sinasabi na kaya ko ito, lumakas na rin ang loob ko. 


Si Mimoi, ako at ang yaya ang naiwan dito sa Pilipinas habang regular namang nagpapadala ng kanyang kinikita si Aki. Mas naging malapit kami ni Mimoi sa isa’t isa at sa panahong gusto ko nang sumuko at magpadala sa lungkot at bigat ng responsibilidad, iniisip ko siya at ang kanyang sakripisyo. Nakakagaan ng loob ‘pag naririnig ko na ang kanyang boses sa kabilang linya ng telepono. Hindi ko rin maintindihan ang aking sarili, pero alam ko, hindi naman ako nakaramdam ng ganito sa mga pinsan ko o sa mga magulang ko.


Nagpursige ako, at nang maka-graduate, naghanap ng maayos na trabaho, maayos as in malaki ang kita. At suwerte naman dahil na-hire ako bilang industrial engineer sa isang sikat na kumpanya. At sa sahod ko, hindi na niya kailangang mag-abroad. Pero bago ko pa man ito maibalita sa kanya, naunahan na n’ya ako nang balitang uuwi na siya ng bansa. Hindi na mahalaga sa akin kung bakit, ang tanging nasabi ko lang, bilisan niya ang pag-uwi dahil hinihintay namin siya.


Sa araw ng kanyang pagdating, nabahiran ng takot ang excitement na nadama ko nang makita ko ang kanyang itsura. Malamlam ang kanyang mga mata, patang-pata ang kanyang katawan at halos walang sigla ang kanyang mga kilos. Pilit man niyang itago ang kaputlaan ng kanyang balat sa pamamagitan ng medyo may kakapalang kolorete, alam ko, maputla ang kulay niya at halos wala siyang dugo.


Nagpanggap siyang masigla pero alam ko na mayroong mali. Hindi man niya sinasabi, alam ko na madidiskubre ko rin.


Pagdating sa bahay, lagi niyang ninanakaw ang mga pagkakataon kung makapagtanong kung ano ang nangyari sa kanya. Pero dahil parang isang lalaking mangingibig na hindi makatulog hangga’t hindi makausap ang kanyang kabiyak, na-corner ko siya nang magkasabay kaming umakyat sa aming mga kwarto para matulog. At wala siyang nagawa kundi ang magpaliwanag.


Sabi ni Aki, nadiskubre niya nung nakaraang buwan na mayroon siyang cancer sa baga. Habang nagtatrabaho raw kasi siya, bigla siyang hinimatay at lumabas sa findings ng mga doktor ang malubha niyang sakit. Sa halip na umuwi, nagpagamot muna siya pero mismong ang mga doktor sa Saipan, sumuko na dahil malala na ang kaso ng sakit niya. Mas pinili na lang niyang umuwi at gugulin ang huling araw niya sa piling naming dalawa ni Mimoi- ang dalawang pinakamahalaga at pinakamamahal sa buong buhay niya.


Ayaw kong maniwala na mawawala iiwan niya kami, pero kahit anong kumbinsi ko sa kanyang magpagamot, tumutol siya. Maging masaya na lang daw kami para ang lahat ng alaala namin sa kanya, palaging magdadala ng ngiti sa aming mga labi.


Gusto kong sabihing mahal ko siya higit pa sa pagmamahal na gusto niyang ibigay ko sa kanya. Gusto kong sabihing lumaban siya dahil siya lang ang babaeng gusto kong makasama habang buhay. Pero wala akong lakas na sabihin ang mga nararamdaman ko dahil ayokong guluhin pa ang magulo na niyang pag-iisip. Minahal ko na lang siya sa paraang alam ko, at umasa na lang na sana, maramdaman niya ito.


Anim na buwan pagkatapos niyang bumalik ng ‘Pinas, pumanaw si Aki. At gaya ng bilin niya, pinilit ko na maging masaya. Alam ko, na kahit saan ako magpunta, palagi kong maalala ang babaeng malayo ko raw kamag-anak, ang babaeng minahal ko ng higit-higit pa sa lahat.

 

Sumasainyo,
Andrew Mallari

 

(Wakas)

 

previous article