Sa ‘yo ang Tondo…
Parazzi News Service
August 27, 2008
‘Pag naririnig ko ang salitang Tondo, ito agad ang pumapasok sa isip ko – dating tambakan ng basura at pugad ng mga kriminal. Ngayon, wala na’ng Smokey Mountain, at hindi na rin ganun kapusakal ang mga tao dito, pero marami pa rin silang dahilan para ipagmalaki ang kanilang one and only Tondo.
Alam n’yo ba na bago tayo sakupin ng mga Espanyol, eh, dating pugad ng mga Muslim at tanggulan ng mga sikat na Rajah ang Tondo? Tama, at ayon sa nahukay na Laguna Copperplate Inscription, ang dating rehiyon ng Tondo ay umaabot na ng lampas labing-isang daang taon. Ibig sabihin, 900 AD pa lang, may Tondo na at pinamunuan ito ni Jayaveda na may katumbas na posisyon bilang “admiral.”
Nang dumating ang mga Espanyol sa Maynila nung 1571, isinama ang Tondo sa bagong tatag na Probinsya ng Pampanga, ang kauna-unahang probinsyang binuo mula sa dating Sultanato ng mga Muslim at nang lumaon, ihiniwalay ito bilang isang bagong probinsya. Nang maghimagsik ang bansa laban sa Espanya, isa ang Probinsya ng Tondo (mas kilala sa Probinsiya ng Maynila) sa mga kauna-unahang nag-aklas laban sa mga Espanyol, kasama ang Laguna, Cavite, Batangas, Bulacan, Pampanga, Tarlac, at Nueva Ecija. Hindi na ito nakapagtataka, dahil mismong sa Tondo itinatag ng anak nito na si Gat Andres Bonifacio ang Katipunan.
Nung 1911, nagkaroon ng reorganisasyon sa ilalim ng mga Amerikano at ang mga bayang nasasakop ng Tondo ay inilipat sa Bulacan at Rizal (dating Morong) at ginawa na lamang isa sa mga distrito ng Lungsod ng Maynila ang Tondo.