Dingdong Dantes, isa sa ‘25 Sexiest Men of the World’!
Written by Lolit Solis
August 27, 2008
CONGRATULATIONS KAY DINGDONG Dantes dahil official na ang pagkapili sa kanya ng E Networks sa Hollywood bilang isa sa ‘25 Sexiest Men of the World.’
Matagal nang naikuwento sa akin ng manager niyang si Perry Lansigan na kinu-consider si Dingdong sa ‘25 Sexiest Men of the World’ at siya ang napili para sa Philippines, pero ayaw muna nilang ipabalita ito dahil wala pa ang sulat ng E Networks para kumpirmahin na siya na nga.
Nang dumating sila galling Amerika, ito ang magandang balitang isinalubong nina Dingdong at tuwang-tuwa naman ang aktor siyempre.
Nakaka-flatter nga raw ito dahil hindi man lang daw niya naisip na mapasali siya sa ganu’n. Sa dami nga naman ng mga sexy at guwapong Pinoy dito sa atin, siya pa ang napili.
Ang nakarating na kuwento sa akin, tatlo raw silang pinagpilian pero hindi lang nila masabi kung sino ang isa pa dahil kaagad na natanggal daw ito sa listahan hanggang sa dalawa na lang ang mahigpit na naglalaban.
Ang mahigpit palang kalaban ni Dingdong sa titulong ito ay si Piolo Pascual. Kaya ayaw muna nilang ipabalita ‘yan at baka nga mabago ang desisyon.
Kaya ipinadala na sa amin ni Perry ang sulat galing mismo sa E Networks para kumpirmahin ito sa Startalk.
Bongga, ‘di ba? Pawang pasasalamat lang ang sinasabi ni Dingdong dahil sa sunud-sunod na blessings sa kanya.
Mamayang gabi na ang kanilang Let’s Celebrate concert ni Marian Rivera at sa totoo lang, pahirapan ang pagkuha ng ticket, ha!
Ang dami pa ring nangungulit sa akin na makakuha ng ticket pero ubos na talaga, kaya inaasahan nang successful ito.
Ngayong araw rin ang showing ng For The First Time at hindi naman nakipagbanggaan dito sina Dingdong at Marian dahil isang oras lang naman ang show nila sa Araneta Coliseum.
Sabi nga nila, panonoorin nila ito pagkatapos ng kanilang concert.
NU’NG BIYERNES PALA, nag-celebrate si Jean Garcia ng kanyang kaarawan sa Dolce bar sa Quezon City na dinaluhan ng mga malalapit niyang kaibigan. Pero ang inaabangan doon siyempre, si Polo Ravales na obvious namang sweet sila sa isa’t-isa.
Wala pa rin naman silang inaamin pero kailangan pa ba silang kulitin, eh kitang-kita naman sa mga kilos nila. Kahit anong pilit mo kay Jean, ayaw nitong sabihin kung anong birthday gift sa kanya ni Polo. Basta mahalaga raw ito sa aktres na nagagamit niya araw-araw.
Sabi nga ni Polo, suot daw niya nung gabing ‘yun kaya hinuhulaan na lang kung relo, bracelet o kuwintas ba ang bigay nito. Pabiro lang na sinasabi ni Polo na ang puso daw niya ang regalo kay Jean pero biruan lang iyan na mukhang totoo naman.
Bukod nga kay Jenica Garcia, pati ang isang bagets na anak ni Jean ay close din pala kay Polo. Mukhang tanggap na tanggap naman ang aktor sa pamilya ni Jean.
PHOTOS: Jean with her son and Polo