Iza Calzado, sobrang ingat sa desisyon kaya ‘di pa nagpapakasal!
Written by Pilar Mateo
August 27, 2008
PINAGKAGULUHAN ANG STAR For All Seasons at kasalukuyang Gobernador ng Batangas na si Vilma Santos sa Kamuning Elementary School noong Huwebes (August 21) nang umaga.
Hinarap at kinausap nang masinsinan ni Ate Vi ang mga magulang, mga mag-aaral mula grade I hanggang grade III, pati na ang pamunuan ng nasabing paaralan at mga guro sa kahalagahan ng pagpapainom ng gatas sa mga estudyante, lalo na ‘yung nasa formative years. Siyempre, kasali pa rin ang nasa mas mataas na mga antas pero sa mga paslit nag-concentrate si Ate Vi katulong ang mga pamunuan ng Nestle, na nagdala ng kahon-kahong Bear Brand para sa ‘Laki sa Gatas’ campaign nila.
Nakakalap ng datos ang researchers ng Nestle na ang bansa ang may pinakamataas na porsiyento ng kakulangan sa pag-inom ng gatas.
Sa Batangas, matagal na pala itong sinimulan ni Ate Vi bilang bahagi ng kanyang mga proyektong may kinalaman sa kalusugan.
Sa pagpapaliwanag ni Ate Vi kasama ng mga taga-Nestle, usap-usapan ng media na para na kaming nakikinig sa isang mataas na tao ng gobyerno. Kaya nga, marami na ang tumatawag ng Vice-President sa kanya.
Pero wala raw siyang planong tumakbo sa nasabing posisyon. Eh, kung Presidente kaya? Tumatawa lang si Ate Vi at panay ang hampas sa akin.
Eh, dati naman kasi, sinabi niya ring hindi siya tatakbo as Governor ng Batangas. Pero kasama niya kaming naghintay ng signs noon kung itutuloy niya ito o hindi. At dumating nga ang signs kaya, ngayon, happy ang Batangas, sa kabila ng mga threats na inaabot niya sa pangangalaga niya sa kanyang constituents.
Aba naman, siyempre, hindi lang gatas ang pinag-usapan namin with Ate Vi. Yes, tuloy ang pelikula niya with John Lloyd Cruz sa Star Cinema. Pero malabo nang makasama nila ang anak niyang si Luis (Manzano) na gay role sana ang gagampanan. Ipinauubaya raw ni Ate Vi ang ganoong desisyon sa kanyang binata.
Ready na ba siyang maging Lola kung sakali? Excuse me raw. Sabi niya, hindi siya magpapatawag ng Lola kundi ‘Mumsie’.
KAHIT HINDI MISMONG araw na ng kanyang kaarawan, itinuloy ni Iza Calzado ang pagse-celebrate niya sa mga kabataang may sakit sa dugo sa Philippine Children’s Medical Center pagkatapos nitong makipag-lunch sa ilang members ng media sa Secret Café ni Fanny Serrano.
Naantala rin ang proyekto ni Iza for GMA Films kung saan kasama siya sa isang love triangle sa One True Love, nang gumawa siya ng The Echo sa ibang bansa.
For her birthday, ang hiling lang ni Iza ay ang maging tama ang lahat ng desisyon niya, ultimo raw sa pinakamaliit na bagay, gaya ng pagpili ng sapatos na bibilhin n’ya. Hindi naman daw masasabing perfectionist siya. Pero sana nga lang daw, maiwasan niya ang magkamali, lalo na sa mga bagay na kailangan talaga ang masusing desisyon.
Kaya, hindi pa naman nababahala ang kanyang butihing amang si Lito Calzado na any moment eh, magpapaalam na sa kanya ang dalaga para magpakasal sa boyfriend nitong si Jerry Garcia.
PHOTO: IZA CALZADO