Marvin at Diana, hindi maitago ang relasyon!
Written by Eddie Littlefield
August 27, 2008
KAHIT SINASABI NI Diana Zubiri na friends lang talaga sila ni Marvin Agustin, hindi pa rin mamatay-matay ang isyu tungkol sa kanilang dalawa. Madalas kasing napagkikita ang sexy star sa pad ng binatang ama at kung minsan nga, inaabot pa ito nang madaling araw. Ganoon din naman ang aktor, madalas ding bumisita sa dalaga at kadalasan silang magkasama sa mga gimikan. Palagi nga niyang sinasabi, “Ayaw ko na talaga – nadala na ako! Ayaw ko na sa lalaking may anak, tama na siguro minsang nagkamali ako, at ayaw ko nang maulit pa! Gusto ko kung magkaka-boyfriend uli ako at magkakaasawa, ‘yung walang sabit at ako lang ang babae sa buhay niya.”
Parang bangungot kay Diana ang pakikipagrelasyon niya kay Vhong Navarro na hanggang ngayon, isang masamang panaginip na hindi niya malimutan. Tapos na ang kabanatang ‘yun sa buhay niya. Kaya lamang parang tukso kay Diana ang pagiging malapit nila ni Marvin – binatang ama na special friendship na ang ibinibigay sa kanya. Nand’yang ipagluto siya ng aktor kung maluwag rin lang ang taping schedule nito. Puwede naman sigurong gusto nila ang isa’t isa pero walang commitment. Huwag nga lamang lalagyan ng emotion dahil ibang usapan na ‘yan ‘pag puso na ang nag-react! ‘Yan ang basa namin sa kanilang mutual relationship sa ngayon.
NAGBALIK ULI ANG aura ni Mark Anthony Fernandez – guwapo’t simpatiko na naman. Seryoso na siya sa pagtatrabaho at going straight na talaga. “Tama na sigurong minsan akong nagkamali at ayaw ko nang maulit ‘uli. Maayos na ang takbo ng buhay ko ngayon at may pamilyang palaging naka-support sa akin. Happy ako ngayon sa takbo ng movie career ko – thanks to GMA-7 sa pagtitiwala nila sa akin, sa pagbibigay sa akin ng break dito sa Ako Si Kim Sam Soon with Regine Velasquez. Favorite singer ni Papa (Rudy Fernandez) si Regine, sayang hindi niya inabot ang teleserye namin ni Regine,” simpleng turan ni Mark.
Pumapalo sa rating ang team-up nina Mark at Regine – may chemistry ang dalawa. To think na malayo ang agwat ng kanilang edad na naaayon naman sa character na ginagampanan nila. Bagay naman kasi itong Koreanovela na ibinigay ng GMA-7 sa kanila kaya kinagigiliwan itong panoorin ng masa. Ano naman kaya ang susunod na project ni Mark sa Kapuso network? “After this may kasunod agad akong gagawin, hindi ko pa lang alam ang title. Exclusive na ako sa GMA-7 dahil nakakontrata na ako sa kanila. Right now, concentrate ako sa trabaho dahil ito ang bread and butter ko,” banggit ng aktor.
HINDI PINAGMAMAINGAY NI Mark Herras na patuloy pa rin ang suportang ibinibigay niya kay Jennylyn Mercado. Ayaw niyang mabigyang-kulay ang pagtulong niya sa dalagang ina na naging bahagi rin naman ng kanyang buhay in the past. “Wala akong nakikitang masama sa pagtulong ko kay Jenny, kung mag-isip sila ng masama sa ginagawa ko – problema na nila ‘yun! Sana’y na rin naman ako sa intriga basta ang importante malinis ang intensiyon mong makatulong,” mabilis na wika ni Mark.
Bakit nga ba palaging naiintriga ang binata? “Hindi na nga ako nawalan ng intriga – hindi ko na lang pinapansin dahil hindi naman totoo! ‘Pag below the belt, saka lamang ako sumasagot pero kung wala namang katuturan – deadma na lang ako,” paliwanag niya.
Sino naman itong girl na sinasabing may relasyon daw kayo? “Ito nga ang latest na intriga sa akin na girlfriend ko raw siya. Kung sinu-sino ang tini-txt, bakit ayaw niyang lumantad at magpakilala – magpa-interview? Para malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo! This time hindi ko na pinalagpas dahil reputasyon ko ang nakasalalay rito. Kung girlfriend ko siyang talaga, aaminin ko – bakit ko naman ipagkakaila kung totoo, ‘di ba?” galit na pahayag ni Mark.
Sabi tuloy ni Nanay Lolit Solis, “Kasi naman kung kani-kanino mo yata ibinibigay ang cell number mo at kung sinu-sino ang pinapatulog mo sa bahay kaya tuloy ‘yan ang nangyari sa iyo. Dalawa dapat ang cell mo – isa para sa fans, ‘yung isa personal mo.”
PHOTO: DIANA ZUBIRI