Oplan Burdado Ni Chairman Edu
Parazzi News Service
August 27, 2008
Nitong nakaraang buwan, isinagawa ng mga ahente ng Optical Media Board (OMB) sa tulong PNP NCRPO/RSAU ang pangatlo sa pinakamalaking inspection operation sa retailers ng pirated CD at DVD sa Norzagaray, Quaipo, Manila. Tinawag na “Oplan Burdado” ang nasabing operasyon kung saan nakasamsam ng 537 sako na naglalaman ng iba’t ibang ‘pirated optical discs’ na tinatayang nagkakahalaga ng P144,644,500.00.
Gayunman, gaya ng lumang kasabihan, “kapag wala ang pusa, naglalaro ang daga.” Hindi pa rin nasasawata at nabubura ng naturang ahensiyang pinamumunuan ni Chairman Edu Manzano ang pagbebenta ng mga piniratang CD at DVD sa iba’t ibang lugar, lalo na sa Quiapo, kung saan lantaran itong nakabalandra sa mismong mga kalye na dinaraan ng mga tao at sasakyan.
Kunsabagay, kung ang mga tauhan nga ng MMDA na kilala sa ‘walang sinasanto’ umano, takot galawin ang stalls ng mga illegal vendor na ito, ang OMB pa kaya?
Tama nga lang ang tawag sa operasyon: Oplan Burdado! Sa halip kasing ‘burado’ lalo pang nagbuburda ng sala-salabat na pamimirata.
Photos from Parazzi Wires