Page Title
Nananadya nga ba ang kampo ni Dingdong laban kay Richard?
Written by Archie de Calma
August 27, 2008

 

 

HINDI LANG PALA si Annabelle Rama ang may sama ng loob sa GMA-7. Sa Sunday evening talk show ni Sharon Cuneta sa ABS-CBN, tinapat ni Annabelle ng tanong si Shawie kung ano ang nararamdaman niya sa ginawang pakikipagtapatan ng GMA-7 sa birthday special nina Dingdong Dantes at Marian Rivera  na gaganapin sa Araneta Coliseum sa mismong opening day ng For The First Time na tinatampukan nina Richard Gutierrez at KC Concepcion. Hindi rin naitago ni Mega ang kanyang disgusto sa ganoong move.


Para sa amin, cause for alarm ito for GMA-7. Okey lang siguro na ganoon ang gawin nila kung walang verbal agreement na ang susunod na pelikula nina KC at Richard ay sa bakuran ng GMA Films naman nila gagawin. Mayroon na nga raw itong Valentine's Day playdate. 'Yun ang pagkakaalam namin. O, sadyang walang pakialam ang GMA-7 at ang resulta, pati si Mega, parang may tampo na rin ngayon sa GMA.


Masamang senyal ito dahil kahit paano, maganda ang ties na nabuo ng kampo ni Sharon sa GMA-7 kahit identified si Mega bilang Kapamilya. Nakakapag-guest freely si Sharon sa GMA-7 anytime, kung kailangang makapag-promote siya ng kung anumang proyekto, at cordial ang nabuong relasyon.


Sa pagsasalitang ito ni Sharon, palagay namin, isang okey namang relasyon ang mababahiran ng dungis. Actually, nabanggit nga namin sa isang nakaraang kolum namin dito na hindi big deal ang tapatang ito dahil marami namang araw na maipalalabas ang KC-Richard movie, samantalang for a particular time lang sa Araneta Coliseum ang birthday concert nina Dingdong at Marian.


May katuwiran din naman si Annabelle na magbusa sa galit. Nasabi nga niya sa show ni Sharon na kayrami-raming araw nga naman na puwedeng ipalabas ang Dingdong-Marian show, kung bakit sa opening day pa mismo ng For The First Time. Ayon kay Bisaya, ilang araw na nga namang tapos ang birthday noong dalawa, at kung hindi may mga taong talagang nananadya, hindi na lang niya alam kung anong klaseng intensyon daw ang mayroon sa mga may direktang kinalaman dito.


Palagay namin, hindi bukal sa loob ng GMA-7 na ipahiram si Richard sa Star Cinema. Isa itong bagay na sa totoo lang, hindi nila matanggap. Pero, parang wala na silang magawa pa. May nagsabi sa amin na malaki nga raw talaga ang takot ng GMA-7 kay Annabelle.


Pero, kung talagang takot sila, bakit hindi inisip ng GMA-7 ang repercussions ng ganitong move, lalo na't nagpapahayag na si Annabelle noon pa man ng disgusto sa kampo ni Dingdong na parang nananadya pa raw to get in Richard's way, gaya nga ng naganap sa Bench event, at ngayon naman, itong pakikipagtapatan sa opening day ng Richard-KC movie.
Kung ang point ng GMA-7 is to spite Annabelle, para sa tinaguriang Monster Mom ay nangangahulugan ito ng giyera. Pero, ang dapat indahin ng GMA-7 dito, nadamay na pati ang mga wala namang kinalaman, gaya ni KC na Kapamilya star namang talaga, at mabuti nga, nagpahayag pa ang kampo nito ng interest na makagawa ng proyekto sa GMA.


Ito lang ang nakita naming grabeng scenario. Baka nga malagay pa sa alanganin ang sinasabing pagtatambal naman nina KC at Richard sa GMA Films for next year. Hindi kaya?

MAY NAG-CHIKA SA amin na si Julia Clarete raw ay super-depressed sa ngayon dahil nagkahiwalay na sila ng dyowa nito. Kung maalala, inilagay ni Juli ang career sa alanganin dahil sa nabanggit na lalaking kinalokohan nito, at sa kung anong dahilan, hayan nga't nag-split na ang dalawa.


Nasabi ng mga ka-close ng aktres-TV host na kinukulit ito ng mga kaibigan sa gabi-gabing gimikan, at kung nasa bahay man ito, ang gusto ay laging may kasama. Nangangamba ang mga malalapit kay Julia na baka bumalik ang depression nito gaya noon at tuluyan itong mawindang. Kakaiba na raw ang ikinikilos ni Julia, ayon sa chikang nakaabot sa amin.
Pero, sana, ang mga kaibigang ito ni Juli, hindi bumitaw sa kanya dahil sa oras na ito, mukhang kailangan ng aktres-TV host ang matinding suporta.

 

 

FINALLY, NAGSALITA NA sa The Buzz si Marjorie Barretto tungkol sa chika sa kanila ni Caloocan Mayor Recom Echeverrie. Ang sabi kasi ni Marj, kaya tumagal bago siya nagsalita, ang feeling niya ay lilipas ito. Hindi rin kasi niya alam kung paano aatakihin ang ganitong isyu dahil may pagkapersonal na ito, may bahid-pulitika at hindi lang basta showbiz matter.
Marami pang idinahilan itong si Marj samantalang madali lang namang sagutin kung totoo o hindi ang isyu. Kung hindi totoo, sana, naging official ang statement niya sa umpisa pa lang. Habang hindi kasi siya nagsasalita tungkol dito, bitin ang mga tao at kung anu-ano tuloy ang lumalabas na haka-haka.


Ewan lang kung matatapos ang isyung ito sa pagde-deny ni Marjorie, dahil sabi nga niya, marumi ang pinagmumulan ng chikang ito. May bahid-pulitika, at gagamit-gamitin ito bilang paninira sa Mayor ng Caloocan.

 

PHOTOS: KC-RICHARD

 

previous article