Page Title
Sino’ng nagpaiyak? UMATUNGAL NA SI CRISTINE REYES!
TED MORAN
August 27, 2008

 

PARANG GUSTO KONG yakapin si Cristine Reyes nang matiyempuhan sa taping ng isang ayaw pang ipabanggit na teleserye  (eh di wag). Gusto ko siyang iduyan sa aking mga bisig at halik, pero ayokong makaengkuwentro si Dennis Trillo na mas guwapo sa akin ng sampung paligo!


Kidding aside, napakaganda pala ng babaeng ito, para lait-laitin lang ng isang Carlene Aguilar. Matunog ang balita na pinagbawalan na siya ni Pareng Dennis na ipagtanggol ang aktor laban sa mga pinagsasabi ni Carlene. Aakala ni Cristine, magsasawa rin sa kadadakdak si Carlene, pero hindi pala. Dahil ang tanging alam nga lang na paraan ni Carlene para malathala, eh ang laitin ang mga sikat na gaya ni Cristine.


Napuno na marahil si Christine. Gustuhin man niyang magwala, sinunod pa rin niya ang pakiusap ni Dennis, kaya hayun, umatungal na lang ng iyak.


Buti na lang at nag-rate nang husto ang kanyang Maalala Mo Kaya episode noong Sabado. Nagmarka sa manonood na tulad ni ate Ara (Mina), magaling din siyang umarte. Puwedeng-puwede rin siyang manalo ng acting award.


Puwedeng magkrus ang landas nila ni Dennis, dahil Viva contract star si Christine at nagtu-tulungan naman ang Viva at ang GMA (kung saan nakakontrata si Dennis). At kapag nangyari ‘yun, tiyak na manggagalaiti si Carlene. Pero, napag-usapan yata nina Christine at ni Dennis na ‘wag magtambal.


Nagseselos din ang inyong lingkod o sinumang nagnanasa kay Christine, dahil tiyak na si Pareng Dennis ang magpupunas ng kanyang mga luha at yayakap para tumahan sa pag-iyak ang babaeng nagbigay sa Pinoy Parazzi ng pinakamataas na sirkulasyon!

 

Mga larawang-kuha ni FERNAN SUCALIT