Page Title
Pikit-matang mangingibig (part 2)
Parazzi News Service
August 27, 2008

 

 

Tutol ang mga magulang ni Vera sa aming relasyon. Ano nga ba naman ang mapapala nila sa isang lalaking sabi nila ay walang ambisyon. Masyado raw maganda ang anak nila para sa akin. Dahil dito, nagsikap ako sa aking pag-aaral para lang mapatunayan na, sa tamang panahon, hindi magugutom ang anak nila sa akin.


Pero ambisyoso ang mga magulang ni Vera at dahil ang nobya ko ang panganay, kinuha na niya ang lahat ng responsibilidad para maiangat ang pamilya nila sa hirap.
Sa Maynila, nagtrabaho si Vera bilang isang receptionist sa isang bar diyan sa Malate. Tutol man ako, wala rin akong magawa dahil marangal na trabaho daw naman ‘yun at hindi naman daw siya tume-table sa mga lalaking foreigner na customer nila. Taga-assist lang daw naman siya. Kahit masakit sa loob ko na malamang sa ganung klase ng lugar siya nagta-trabaho, wala akong nagawa.


Nakapagtapos ako ng dalawang taon sa vocational course at nagtrabaho sa Sta. Rosa, Laguna. Maliit lang ang sahod, pero maitatawid ko na sa gutom si Vera kung sakali. Nang ayain ko ang nobya ko na magsama kami, hindi siya pumayag dahil marami pa siyang kapatid na nag-aaral. Dahil doon, pinagkasya ko na lang ang sarili ko  sa minsan-minsan naming pagkikita sa isang buwan at nakontento na rin ako sa paminsan-minsan naming pagsasalo sa aming pagmamahalan. Plinano kong buntisin na lang si Vera, pero hindi siya mabuntis-buntis. Magaling talaga ang mahal ko.


Isang araw habang magkasama kami, biglang naungkat ni Vera ang tungkol sa plano niyang paga-abroad. Mayroon daw kasi siyang kasamahan na pupunta ng Japan bilang entertainer. Gusto niya raw sumabay dahil sayang naman ng kanyang kikitain. Alam ni Vera na ayokong umalis siya ng bansa, at lalo, ayaw kong maging entertainer siya. Pero para palubagin ang loob ko, nag-offer siya na willing siyang magpakasal para lang maging magaan sa loob niya ang pag-alis dahil alam niyang hindi ako galit. Mahal na mahal ko si Vera at ayokong nakikita siyang naiipit sa pagitan ko at ng pamilya niya. Nagpakasal kami kahit tutol ang mga magulang niya. Pagkatapos nun, umalis na rin siya patungong Japan.

 

Simula nun, nagbago na ang aming buhay. Nagbago na ang buhay ko. Kung impiyerno o langit, hindi ko na sigurado.


Kapag nagpapadala siya ng pera, meron din ako. Hindi ako magpapakaipokrito at sasabihing hindi ko ito ini-enjoy. Malaking tulong ito kung tutuusin pero iniipon ko naman ito para pagbalik ni Vera, mayroon na kaming konting puhunan kung anuman ang gusto niyang gawin para hindi na siya bumalik pa ng Japan.


Galit na galit sa akin ang mga biyenan ko dahil mayroon pa silang kahati sa padala ng anak nila. Biglang-yaman ang mga ito na kitang-kita sa magarang mansyong ipinatayo ng aking asawa. Hindi ako tumira sa bahay na ‘yun kahit pa sinabi ni Vera na dun na ako tumira. Pero nang magbalikbayan siya, wala akong choice kundi ang samahan siya dun. Matagal-tagal rin ang kanyang bakasyon at ang pamamalagi niya ay nagbunga ng aming only daughter. Sa mga pagkakataong inaaway ako ng biyenan kong babae, si Vera ang tagapagtanggol ko. At pagdating kay Vera, tiklop silang lahat dahil siya ang nagdadala ng pera sa bahay na ‘yun.

 

(Itutuloy)

 

 

previous article